Noong nakaraang Sabado, kami at ang aming mga kaibigan ay nagpunta sa Texas Renaissance Festival sa bayan ng Plantersville may mahigit dalawang oras ang layo mula sa aming tirahan. Kami ay naging saksi sa mga tanawin, kasuotan, tugtugin, laro at lasang (kultura sa madaling salita) kinagisnan ng mga taong ipinanganak noong ika-16 na siglo (Ang panahon ng Renaissance ay tumagal mula ika-15 hanggang ika-17 siglo).
Hindi ko na papakahabain pa ang panimula. Narito ang mga eksenang tumambad sa amin sa mahigit pitong oras na pagbabad sa panahon ng Renaissance… (PS: Nilakihan ko na ang mga larawan kaya’t mukhang mahaba ang aking akda…well, napahaba nga yata. :D)

Mga magagarang kasuotan - Ikinagulat namin na kahit ang mga bumibisita sa festival ay nakagayak Renaissance (costume) din. Ang iba’y nakita naming nagbibihis sa paradahan ng mga sasakyan at ang iba nama’y nagarikila sa may labas ng theme park. Marami ding nagtitinda ng kasuotan sa loob ng festival.

Ang mamang ito ay hindi si Sting. Pero kamukha ano? Bahagi siya ng palabas na nagtatampok sa jousting.

Kung napanood ninyo ang pelikulang A Knight’s Tale na pinagbidahan ng yumaong si Heath Ledger, may mga taong nagpapakilala sa mga kalahok sa jousting. Iyon ang papel ng babaeng nakasuot ng magarang kasuotan sa larawan.

Kngith in shining armor? Hindi ba’t iyan kung minsan ang ginagamit na pantukoy ng mga kababaihan sa kanilang mga iniirog? Kiliiiig!

Ikinatuwa naming lubos ang panood ng jousting. Ikalawang bahagi lamang ito ng palabas ngunit ito ang aming pinakaaabangan. Hindi siya kasing “action packed” katulad ng sa pelikula at katulad ng aking inaasahan ngunit talagang nakapagbigay aliw sa lahat ng mga nanood.

Dahil ang Renaissance ay ang muling kapanganakan ng istoling klasiko (rebirth of the classics), maraming mga estatwa (sculptures) na may bahid ng istilo at kapanahunang Griego (Greek).

Para sa gustong makaalam sa kapalarang naghihintay sa kanila sa kinabukasan, tabi-tabi ang makukulay na tents kung saan may nagbabasa ng palad, tarot, mga bituin (Astrology) at pati siguro bolang kristal.

Ang mga gamit sa pakikipaglaban noong panahong iyon ay amin ring nasilayan. Sa katunayan ang mga ito’y ibinebenta bilang ala-ala (souvenir) sa pagdalo sa festival. Mayroon ding mga espada na gawa sa matigas na foam at ang iba’y gawa sa kahoy.

Mga gayuma: pampabata, pampaganda, pampabango at kung anu-ano pa! Pabango talaga ang mga itong isinasalin sa mga naggagandahang maliliit na bote puwedeng gamiting palawit ng kuwintas (pendant).

Nasubukang sumakay ng aking mag-ama sa isang camel sa tumataginting na $4 bawa’t isa. Hold-up!!! Pero gusto talagang sumakay ng aking anak at dahil siya’y may kaliitan pa, hindi siya papayagang sumakay kung hindi may kasamang matanda.

May mga diwata (fairies) ring namimigay ng mahiwagang alikabok (fairy/pixie dust). Hindi naman nila talaga binibigay, dahil magbabayad ka muna ng $1 para sa alikabok na iyong hihipan upang ikaw ay makapagbulong na kahilingan. Pagkatapos ay bibigyan ka din ng diwata ng kristal. Hold-up ulit! Pero di kami nagpabiktima…ang mga kasama lang namin. Hahaha! Mahirap pahindian ang mga anak.

Kapag nakagawa ng matinding kasalanan, ito ang iyong aabutin…pagpugot sa ulo sa gitna ng plaza! Iyan ang tagapugot (executioner) at ang kaniyang alalay.
Mahigit 300 ang mga larawang kuha ko mula sa festival. Akin pang pinipili ang aking ipapakita sa mga susunod na araw. Nailathala ko na sa aking blog tungkol sa pagkain ang mga masasarap na pagkain sa festival.
Ang isa ko namang lahok para sa Litratong Pinoy ay pagpapaliwanang kung bakit sanay sa pagpapakuha ng litrato ang aking anak.
Mabuhay!

Shrimp Salad
Banana Pudding









































