Mataga-tagal na akong hindi nakakalahok sa Litratong Pinoy. Malamang ay nagtatampo na sa akin ang aking kaibigang nagsimula nito. Sa mga susunod na linggo, sana’y makabawi ako sa matagal kong pagliban. ;) Ito naman ang aking lahok para sa tema ngayong linggong ito, “Batik/Mantsa” (Spots/Specks).
Noong ika-9 ng Pebrero ay ipinagdiwang ng mga kindergarteners sa paaralan ng aking anak ang ika-isang daa’t isang araw ng pagpasok sa paaralan (101 days of school). Bilang pag-gunita sa araw na ito, hiniling ng mga guro na bihisan ang mga bata ng mga kasuotang itim at puti tulad ng mga kulay ng mga aso sa 101 Dalmatians. Ayun na nga’t pinagdamit ko ang aking anak ng itim na pangitaas na may puting pang-ilalim na mahaba ang manggas. Ang pangibaba naman niya’y palda’t tights na puti.
Umalis ng bahay ang aking anak na wala namang malaking ipinagkaiba ang itsura sa araw-araw niyang pagpasok sa paaralan. Ngunit sa kaniyang pag-uwi, may pagkakaiba na sa kaniyang itsura…

Ang aking limang taong mag-aaral, sa pag-uwi’y “puppy girl” na! Hee hee. May mantsa (spot) ang kaniyang ilong at may suot siyang korona kung saan nakakabit ang dalawang tengang may batik-batik na itim. Ang kyut! :P Ayaw niyang ngumiti noong una nang akin siyang kunan ng mga litrato. Ngunit ngumiti na siya nang payagan kong simutin ang batter ng chocolate cake na katatapos ko lamang ipasok sa pugon para i-bake. ;)
Huwebes na sa Pinas. Miyerkules naman ngayon dito sa aking kinaluluklukan…Ash Wednesday. Sana’y isapuso nating lahat ang kahulugan ng panahon ng Lent.






