Kuha ang mga larawang ito sa paaralan ni Abby noong Agosto ng nakaraang taon. Kaarawan niya nang kunan ang mga larawang ito at ilang araw pa lang nagsisimula ang school year 2008-2009.
Sa isang montessori nag-aaral si Abby. Gusto ko ang paraan ng pagtuturo sa montessori. Sinusubok nang mabuti ang kakayahan ng mga bata sapamamagitan nang paggamit ng mga materyales tulad ng nasa larawan at ang makikita sa shelves sa loob ng silid.

Pumipili ang mga bata kung ano ang gusto nilang i-explore bawat araw. Self-correcting ang mga gamit na ito. Kaya kahit mag-isa, matutuklasan ng bata kung saan siya nagkamali kung kaya’t hindi mabuo ang kailangang buoin.

Sa montessori, tatlo hanggang anim ang gulang ng mga bata at sila ang magkakaklase mula pre-school, pre-kindergarten hanggang kinder. Natuto ang mga mas batang mag-aaral na humingi ng tulong sa mas nakakatanda sa kanila at ang mga nakakatandang bata naman ay natututong magbahagi ng kaalaman o tulong sa mga nakakabata sa kanila. Tulad ng sa ikalawang larawan, maaaninag ang isa pang bata na tila tinutulungan si Abby sa pagtayo ng toreng kulay pula at bughaw.
Isa pang lahok para sa LP DITO.






